Umabot na sa 8.2 milyong doses ng bakuna ang dumating sa bansa..
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay base sa datos ng National COVID-19 Vaccination Operation Center.
Ayon kay Roque, sa naturang bilang, 4.3 milyon na ang nagamit at naiturok na.
Sa panig ni National Task Force Deputy Chief Implementer Vince Dizon na sa 4.3 milyon na nabakunahan, nasa 3.3 milyon ang nabigyan ng first dose habang isang milyon ang fully vaccinated na o nabigyan ng second dose.
Ibinida ni Dizon na mas malaki at malawak na ang ginagawang pagbabakuna ngayon ng pamahalaan dahil tumataas na ang bilang ng mga bakuna na nakukuha ng Pilipinas.
Inihalimbawa ni Dizon na dati ay nasa 5,000 lamang ang average ng pagbabakuna kada araw. Pero ngayon, nasa 166,000 ang average na pagbabakuna kada araw.
Kabilang sa mga bakuna na nakuha ng Pilipinas ang Sinovac ng China, Pfizer ng Amerika, AstraZeneca at Sputnik V ng Russia.