Sen. Go, ipinakiusap na bigyan ng bakuna ang OFWs na tanggap sa pupuntahang bansa
Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na kung maaari ay iturok sa OFWs, partikular na sa seafarers, ang brand ng bakuna na tanggap sa mga bansa kung saan sila magtatrabaho.
“May ilan sa kanila na nag-aalinlangan na magpabakuna rito sa atin dahil may ibang mga bansa na naghahanap ng specific na brand, bagama’t napatunayan na namang ligtas at epektibo ang mga bakunang mayroon tayo,” sabi ng senador.
Katuwiran pa nito, mahirap kumbinsihin na magpabakuna ang OFWs kung alam nila na ang ituturok sa kanilang bakuna ay hindi naman tatanggap sa pupuntahan nilang bansa.
Dagdag pa ni Go, marami sa OFWs ang naghihintay na lang na sila ay mabakunahan at kasunod na nito ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
“Kaya kung maaari, mag-allocate tayo ng bakuna na angkop para sa kanila na tanggap sa kanilang countries of destination. This must be done in compliance with requirements for vaccines coming from COVAX facility, as well as our own vaccine prioritization order,” dagdag pa ng pinuno ng Senate Committee on Health.
Nabanggit niya na halos 10 million doses ng COVID-19 vaccines ang darating sa Pilipinas sa susunod na buwan at aniya, sapat na ito para mapaglaanan ang OFWs, lalo na kapag maari nang mabakunahan ang nasa A4 at A5 vaccine priority list.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.