Pangulong Duterte, dismayado sa nangyayaring patayan sa Negros Oriental
Dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyayaring patayan sa Negros Oriental.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagamat neutral ang Pangulo, kailangang gampanan ng estado ang obligasyon na imbestigahan, litisin at parusahan ang mga taong pumapatay sa Negros Oriental.
Kamakailan lamang binaril ng isang lalaki na naka-motorsiklo ang lay minister na si Briccio Nuevo Jr. habang nasa kanyang vulcanizing shop sa Negros Oriental.
“Pinulong po kahapon ni Presidente Rodrigo Duterte ang Regional Peace and Order Council ng Region VII doon po sa Dumaguete City. At ito ang ilan sa mga mahahalagang sinabi ng ating Presidente, bagama’t karamihan po ng mga bagay-bagay na pinag-usapan ay confidential. Pero siguro hindi po masama kung sasabihin ko na, unang-una, nagparating po ng mensahe ang ating Presidente that he is “appalled” doon sa mga patayan na nangyayari sa Negros Oriental. Ang sinabi po ng Presidente is he will be completely neutral pero gagampanan ng estado ang kaniyang obligasyon na imbestigahan, litisin at parusahan ang mga tao na pumapatay sa Negros Oriental,” pahayag ni Roque.
Bukod dito, sinabi ni Roque na inatasan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na resolbahin ang conflicting claims sa mga lupang walang titutlo na pinagmumulan ng patayan.
“Ang sabi po ng Presidente, ‘Everything else being equal, resolve these disputes in favor of the poor,” pahayag ni Roque.
Inatasan din ng Pangulo ang Department of Agrarian Reform (DAR) na pabilisin ang pamamahagi ng lupa sa farmer beneficiaries dahil ayon aniya sa Pangulo, ang probinsiya ng Negros ay ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka ang isang dahilan kung bakit nag-aaklas ang mga rebelde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.