Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, nakatakdang isagawa ang pagpapasinaya rito sa araw ng Sabado, May 29.
“Noon ‘ho, siksikan at nabibilad ang mga pasahero sa ilalim ng maliit na passenger shed habang naghihintay ng kanilang biyahe patungong Davao City. Walang maayos na silungan at salat na salat sa pasilidad ang pantalan,” saad ni Tugade.
Sa tulong aniya ng Philippine Ports Authority, sa pangunguna ni GM Jay Santiago, natapos ang port development project sa Port of Babak.
Mayroon na itong bagong Port Operations/Terminal Building na kayang mag-accommodate ng mahigit 250 pasahero.
Pagmamalaki ni Tugade, nangangahulugan ito na hindi na mabibilad sa init ng araw ang mga naghihintay ng kanilang barko sa lugar.
Dagdag ni Tugade, “Maliban dito, naging tulay din ang port development project na ito upang makapagbigay ng trabaho sa mahigit 38 na kababayan natin sa Samal.”
Umaasa ang opisyal na makatutulong ang pagtatapos ng proyekto sa pagpapalago ng turismo at ekonomiya sa Davao Del Norte, at mga karatig lalawigan nito.
Patunay din ayon sa transport chief na ang pagpapaganda ng Port of Babak ay hindi lamang sa Luzon, kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao ang “Build Build Build” Program ng pamahalaan.