Population protection sa NCR vs COVID-19, target maabot sa Nov. 27 – Palasyo
Target ng Palasyo ng Malakanyang na magkaroon ng population protection laban sa COVID-19 sa National Capital Region sa Nobyembre 27, 2021.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil inaasahang darating na sa bansa ang malaking bulto ng mga bakuna.
Binatikos din ni Roque ang mga kritiko dahil mistulang walang ibang ipinagdarasal kung hindi ang sumablay ang gobyerno.
“Alam ninyo po, dapat talaga mayroong puntong nagsisimula tayo at mayroong punto na bibilis at magtatapos tayo, ganiyan po talaga ang kahit anong gawain. Pero hindi ko po maalis sa isip ko na iyong mga kritiko natin para bagang nagdadasal na tayo’y sumablay sa ating vaccination. Huwag naman po. Pero ang determinasyon po ng Pangulo, magkaroon talaga ng population protection lalung-lalo na dito sa Metro Manila Plus at ang target date po natin, November 27. Mag-usap na lang po tayo pagdating ng November 27,” pahayag ni Roque.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos sabihin ni Senador Risa Hontiveros na nasa isang porsyento pa lamang ang fully vaccinated sa Pilipinas at off track ang ginagawang pagbabakuna dahil maliit pa lamang ito na porsyento kumpara sa kabuuang populasyon saa Pilipinas.
Sinabi pa ni Roque na nanatili rin ang target ng pamahalaan na mabakunahan ang 58 milyong katao sa National Capital Region Plus, Cebu at Davao sa katapusan ng taong 2021.
Pakiusap ni Roque sa taong bayan, huwag dumalo sa mgma super spreader events o malakihang pagtitipon para hindi maihatid sa sementeryo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.