LGUs hinimok na magpasa ng ordinansa para mapatawan ang mga nagbebenta ng vaccine slots
Swindling ang nakikitang asunto para kasuhan ang mga nagbebenta ng slots para sa COVID-19 vaccines.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hinihimok ng Palasyo ng Malakanyang ang local government units na magpasa ng ordinansa para mapatawan ng parusa ang mga nagbebenta ng slots sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, sa ganitong paraan, magkakaroon ng legal na basehan ang gobyerno para maparusahan ang mga taong nagsasamantala ngayong may pandemya sa COVID-19.
“Ang panawagan nga po namin sa mga lokal na pamahalaan ay kung pupuwede po magpasa rin sila ng ordinansa na nagpapataw ng parusa doon sa magbebenta ng slots, para malinaw po na mayroon tayong legal na basehan para parusahan ang mga taong gumagawa nito,” pahayag ni Roque.
Bukod sa swindling, sinabi ni Roque na maari ring makasuhan ang mga nagbebenta ng slots ng paglabag sa Food and Drug Administration Law.
Sa ngayon, sinabi ni Roque na base sa mga naging pahayag ni Philippine National Police Chief Guillermo Eleazar, wala pang nahuhuli ang kanilang hanay na nagbebenta ng slots.
“Ang nabasa ko lang po ay iyong sinabi ni PNP Eleazar na wala pa silang nahuhuli ‘no. Pero ang babala po natin ay hindi po natin papayagan iyan, dahil that goes against iyong prinsipyo na ang ting policy for vaccination na kinakailangan equitable. Kapag ikaw po ay bumili ng slot, ibig sabihin iyong mga may pera ang mauuna at mapapahamak po pati iyong ating obligasyon sa COVAX facility na dapat on the basis of equitable distribution ang ting pagbabakuna. Now, in terms of legal basis, pinag-aaralan ko nga po kung anong legal basis diyan, pero the closest I can think of is other forms of swindling, kasi hindi naman dapat binibenta iyong slot at pupuwede rin po iyong paglabag po ng ting FDA law, pinag-aaralan po natin iyan,” pahayag ni Roque.
Nasa P12,000 hanggang P15,000 ang bentahan ng vaccine slots sa social media.
Sinabi pa ni Roque na hindi pa maaring ibenta ang mga bakuna dahil wala pang commercial use authorization dahil nasa experimentak use authorization pa lamang ang mga bakuna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.