Sen. Bong Go suportado ng ilang lider ng Kamara kaugnay sa renationalization ng ilang mga ospital sa lalawigan
By: Erwin Aguilon
- 4 years ago
Nadagdagan pa ang nakuhang suporta ni Senator Bong Go sa Kamara kaugnay sa renationalization ng ilang mga ospital sa probinsya.
Ayon kay House Appropriations Chairman Eric Yap, na siyang caretaker ngayon sa Benguet, hindi naman dahil devolved na ang health services sa mga local government units (LGUs) ay hindi na ito magagawan ng paraan.
Paliwanag ng kongresista na may legislative process at nasa kapangyarihan ng Kongreso na mag-amyenda ng batas.
Umaapela naman si Yap sa Senado na agad aprubahan ang Benguet General Hospital Renationalization Bill na hindi lang mga taga-Benguet ang makikinabang kundi kasama ang mga probinsya sa Cordillera region.
Samantala, pinuri at pinasalamatan ni House Majority Floor Leader Martin Romualdez ang malasakit ni Go para sa agarang pagpapatibay sa hospital expansion bills na napapanahon ngayong may COVID-19 pandemic.
Ang mag-asawang Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez ay kabilang sa mga principal authors ng twin bills na nakabinbin sa Senado, ang panukala para sa dagdag na bed capacities ng Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) sa Tacloban City at Schistosomiasis
Hospital sa Palo, Leyte.
Matatandaan na nagkaroon ng pagtatalo sa hospital expansion bills sina Go at Senate Minority Leader Franklin Drilon.