DOH, LGUs, dapat magpakalat ng vaccine campaigners
By: Erwin Aguilon
- 4 years ago
Nakukulangan pa si House Committee on Health chairperson Helen Tan sa kampanya ng gobyerno para sa COVID-19 vaccination program.
Paliwanag ng kongresista, hindi ganun ka-intensify ang information drive na idinadaan lang din sa social media at posters.
Giit ni Tan na isa ring doktor, kailangang personal na maipaliwanag sa mga tao ang kahalagahan ng pagpapabakuna para mas maintindihan at ma-engganyo silang tumanggap ng COVID-19 vaccine.
Kadalasang kasi aniyang may tanong ang mga tao na hindi naman masasagot sa social media o posters, dahil kailangang may interaksyon.
Kaya naman ang rekomendasyon nito, maglagay rin ng vaccine campaigners na pupunta sa mga tao.
Naniniwala ang mambabatas na makatutulong ang edukasyon o sapat na kaalaman sa bakuna para tumaas ang kumpiyansa ng mga Filipino sa vaccination anuman ang brand o tatak ng COVID-19 vaccine na ibigay sa kanila.