NBI bubuo ng 50-man team para imbestigahan ang pagbebenta ng COVID-19 vaccines

Limampung cybercrime experts ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magtutulong-tulong sa pag-iimbestiga sa nabunyag na bentahan ng COVID-19 vaccines sa Mandaluyong City.

Kasunod ito ng paglapit nina Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos at Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos  kay NBI officer-in-charge Eric Distor.

Bukod sa 50 tauhan ng NBI Cybercrime Division, iimbestigahan din ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang ‘Bakuna for Sale’ na napa-ulat maging sa mga lungsod ng San Juan at Parañaque.

Sinabi ni Abalos na kapag may mga lokal na opisyal na lalabas na sangkot sa modus, mahaharap sila sa estafa, bribery, bukod pa sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Dagdag pa ng opisyal, papanagutin din sa batas ang mga bumili ng mga bakuna na pag-aari ng gobyerno.

Una nang inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na masusing imbestigahan ang pagbebenta ng ‘vaccine slot.’

Sa bahagi naman ni Mayor Abalos, sinabi nito na handa ang kanyang mga opisyal at kawani sa City Health Department na maimbestigahan.

Read more...