Ordinansa ukol sa pagbabawal sa pagbebenta ng COVID-19 vaccine sa Maynila, pirmado na ni Mayor Moreno
Pirmado na ni Manila City Mayor Isko Moreno ang ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi o pagtuturok ng COVID-19 vaccine para pagkakitaan.
Araw ng Lunes, May 24, pinirmahan ng alkalde ang Ordinance No. 8740 na magpoprotekta sa publiko mula sa mga organisasyon o indibidwal na magbabalak na kumita sa pamamagitan ng pagbebenta ng bakuna sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Bawal magbenta ng bakuna. Bawal kumita sa bakuna whether organization, institution, tao or korporasyon. Bawal. Bawal rin ikaltas ng sweldo ng tao iyong bakunang pwedeng ibigay ng private sector in Manila,” saad ng alkalde.
“We really wanted to protect the people lalo na yung mga mahihirap at yung empleyado. Those working in the City of Manila will be protected; those living in the City of Manila will be protected,” dagdag nito.
Hindi aniya pinapayagan ang pagbebenta, pamamahagi o pagtuturok ng bakuna para kumita sa COVID-19 vaccine habang nasa state of public health emergency ang bansa.
Giit pa nito, hindi maaaring ibenta ang mga bakuna kontra COVID-19 nang walang full market authority mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa ilalim ng ordinansa, sinumang lumabag ay pagmumultahin ng P5,000 at pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan.
Para naman sa mga korporasyon at iba pa, maaaring bawiin ang kanilang business license at ipagbawal ang kanilang pagnenegosyo sa Maynila.
“Maiiwasan natin yung maiwan yung mga mahihirap kasi walang pera yung mahihirapan eh. Maiiwasan rin natin yung hoarding kasi baka may pagkakitaan at magkaroon sila ng access sa vaccines, i take-advantage naman ito ng mga may pera, dapat ang bakuna ay free and accessbile,” ani Moreno.
Aniya pa, “Hindi pwedeng i-pwersa, salary deduction, ibenta o baka palusutan tayo o yung tinatawag na adminsitrative cause ang bakuna sa Maynila. Ang tawag diyan pagsasamantala sa kahinaan ng tao, hindi natin ia-allow yan.”
Tiniyak din ni Mayor Moreno na patuloy nilang poprotektahan ang interes ng bawat residente ng Maynila at ang mga labas-pasok sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.