Committee Report para sa panukalang Bayanihan 3, aprubado na sa joint committee ng Kamara
Pasado na sa House Committee on Economic Affairs at House Committee on Social Services ang committee report ng substitute bill para sa panukalang Bayanihan 3 na nagkakahalaga ng P405.6 bilyon.
Inamyendahan lamang ng joint committee sa panukala ang posibleng paghuhugutan para sa Bayanihan 3.
Ayon naman kay Economic Affairs Chair Sharon Garin, hindi talaga dapat galawin ang ‘for later release’ na budget sa ilalim ng 2021 national budget na malinaw na nakasaad sa panukala.
Nakapaloob sa Bayanihan 3 ang “Ayuda to all Filipinos” o ang P1,000 na ayuda na ipagkakaloob sa lahat ng 108 milyong Pilipino na ibibigay ng dalawang beses na may pondong P216 bilyon.
Dumalo rin si Speaker Lord Allan Velasco, pangunahing may-akda ng panukalang Bayanihan 3 sa pagdinig.
Dito, umapela siya sa Senado na suportahan ang Kamara sa agarang pagpapatibay ng nasabing ‘lifeline measure’.
Sabi ni Velasco, aabot na sa 290 na mga kongresista ang nagpalista para maging principal author at co-authors ng Bayanihan 3 Bill.
Ang Bayanihan 3 Bill ay magsisilbing ‘lifeline measure’ para sa ayuda sa mga mahihirap na pamilya at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Dahil lusot na sa komite ay inaasahang iaakyat na ito sa plenaryo para tuluyang aprubahan bago ang sine die adjournment sa June 5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.