Mga atleta na sasabak sa Tokyo Olympics, dapat suportahan ng pamahalaan at publiko
Pinatutulungan ni House Committee on Health Chairperson Helen Tan sa pamahalaan at sa publiko ang mga atletang Pilipino na sasabak sa Tokyo Olympics.
Ayon kay Tan, malaking-bagay ang suporta at tulong para sa mga atletang Pilipino na dala ang watawat ng Pilipinas sa Olympics, sa harap pa rin ng COVID-19 pandemic.
Partikular na tinukoy ni Tan ang Filipino rower na si Cris Nievarez, na tubong-Quezon Province at inaasahang sasabak sa men’s single sculls event sa Tokyo Olympics.
Sinabi ni Tan na magkakaloob siya ng anumang tulong o kinakailangang incentive para sa kanyang kababayang si Nievarez, na maaalalang gold medalist sa nakalipas na 2019 SEA Games.
Dagdag ni Tan, si Nievarez na ikatlong Pinoy rower na makakasali sa prestihiyosong kompetisyon, ay nagpapakita na hindi hadlang ang anumang hamon para umangat at maging mahusay sa larangan.
Umaasa naman si Tan na ang determinasyon at katatagan ni Nievarez na isa na aniya bagong “Olympic idol” ay magiging inspirasyon sa lahat ng mga Pilipino lalo na sa mga kabataan na patuloy na magsimikap at huwag sumuko.
“I am very proud of what Cris, my kababayan from Atimonan, Quezon, has achieved not only for himself but for the country despite the hardships that he faced early in life. Being only the third rower to participate in this prestigious event proves that difficulties are meant to rouse and prepare us not discourage and dismay”, saad ni Tan.
Ang Tokyo Olympics ay idaraos sa July 23 hanggang August 8, 2021 sa Tokyo, Japan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.