Mahigpit na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang mga simbahan sa mga lugar na nakasailalim sa General Community Quarantine (GCQ).
Kasunod ito ng pag-apruba ng IATF ang pagtaas sa 30 porsyento ng religious gatherings sa mga GCQ area, kabilang ang NCR Plus.
Ayon kay PNP Chief, General Guillermo Eleazar, makikipag-ugnayan ang lokal na pulis sa religious leaders upang masigurong masusunod ang mga panuntunan sa kasagsagan ng misa.
Sa Metro Manila, madalas dagsain ng mga Katoliko ang mga simbahan sa Quiapo at Intramuros sa Maynila; at maging sa Baclaran, Parañaque City.
“Gaya ng bilin ko sa ating mga commanders, huwag na nating hintayin na hingan pa tayo ng tulong o may mangyaring paglabag bago tayo umaksyon. Kaya ngayon pa lang, inaasahan ko na ang ating mga chiefs of police na makipag-ugnayan sa mga religious leaders sa kanilang lugar upang pagtulungan na ang matiyak na ang alituntunin ng IATF ay masusunod,” pahayag ni Eleazar.
“Ngayong niluwagan na uli ang alituntunin sa religious gatherings, ang pakiusap lang namin ay sana ay masunod ang mga alituntunin sa minimum public health safety at kami naman ay naniniwala na kaya itong gawin ng ating mga kababayan with the guidance of our religious leaders,” dagdag pa niyo.
Apela ni Eleazar sa publiko, patuloy na tumalima sa minimum public health safety para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.