Nanawagan si Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes sa gobyerno na ipaliwanag nang husto sa mga senior citizen ang isinusulong na ‘brand agnostic policy’ sa ikinakasang national vaccination rollout.
Sinabi ni Ordanes na nakatanggap siya ng maraming pagtatanong ukol sa naturang polisiya, kung saan hindi ipapaalam sa naka-schedule na mabakunahan ang brand ng bakuna na ituturok sa kanya.
Diin ng mambabatas, marami pa rin sa halos 10 milyong senior citizens sa bansa ang may maling paniniwala ukol sa COVID-19 vaccines kayat natatakot sila na magpabakuna.
“Ngunit sa aking pagkakaalam, sasabihin naman sa vaccination centers ang brand ng bakuna na ituturok at sa aking palagay ito naman ay makatuwiran lang dahil sa ‘right of full disclosure’ kaya’t ako ay muling nanawagan sa ating senior citizens na magpabakuna na,” apela ni Ordanes.
Gayunman, hiniling pa rin nito na paigtingin ng gobyerno ang information campaign ukol sa mga benepisyo sa pagpapabakuna, ngunit gayundin sa mga maaring maging epekto nito.
Una nang ibinahagi ni Ordanes na nagpabakuna na siya noong nakaraang Mayo 5 upang magsilbing halimbawa sa mga kapwa niya senior na walang dapat ikatakot.
Aniya, makalipas ang halos tatlong linggo ay wala pa siyang nararamdaman na ‘side effects.’
Binanggit din nito ang huling pahayag ng DOH na handa ang kagawaran na suriin muli ang polisiya katuwang ang mga lokal na opisyal bagamat sinabi na ng Malakanyang na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi na pag-anunsiyo sa brand ng vaccine na ituturok.