Lima pang overseas Filipinos, nasawi dahil sa COVID-19

May 24 na bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang May 21, nasa 18,658 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 94 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 6,090 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Apat naman ang bagong gumaling kung kaya pumalo na sa 11,400 ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Lima naman ang bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 1,168 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 10,473 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 3,403 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 983 naman ang kaso sa Americas at 3,799 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...