CCTV kontra violators ng number coding, truck ban, at krimen” – sa ‘Wag Kang Pikon ni Jake Maderazo
SA loob lamang ng dalawang oras, 176 traffic violators ang nahuli sa 250 CCTV cameras ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kung itutuloy nila ito Lunes hanggang Biyernes, alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, araw-araw ay meron silang huli na 1,150 o 5,750 violators kada linggo; 23,000 bawat buwan o 276,000 bawat taon.
Hindi pa kasali riyan ang Sabado at Linggo. Kaya ba ito ng MMDA?
Bukod sa matinding “paperwork,” maraming pagtatalo pa kung paano matutunton ang driver o may-ari ng sasakyan at magkano ang parusa sa iba’t ibang uri ng violations.
Bukod diyan, problema rin ang kawalan ng plaka ng maraming pri-badong sasakyan at ang colorum naman na pampublikong behikulo.
Panay ang paliwanag ng MMDA na disiplina o parang “big brother” ang habol nila sa pagpapatupad ng ganitong Sistema para tumino ang mga motorista sa paggamit ng mga lansangan.
Maaaring tama sila pero huwag silang gumawa ng bagay na hindi nila kaya. Kung ako ang tatanungin, ang 250 CCTV cameras na ito ay malaking tulong laban sa kriminalidad at mga aksidente sa EDSA.
Dapat ang PNP at MMDA ay merong kasunduan “real time” upang mahabol ang mga “carnapped vehicles” o mga naka-alarmang mga sasakyan.
Sa mga aksidente, ang mga cameras na ito ang proteksyon ng mga kawawang biktima, na kadalasan ay ninanakawan pa ng mga unang “tumutulong.”
Bukod diyan, imonitor nila ang mga kawatan sa Edsa Cubao, Edsa-Taft, Monumento at marami pang matataong intersections.
Kung ang intensyon ng MMDA ay paluwagin ang daloy ng trapiko sa Edsa, simple lang ang dapat gawin – bawasan ang mga sasakyan dito at ipatupad ang vehicular volume reduction. Ibig kong sabihin, higpitan ang number coding sa mga pribadong sasakyan lalo na kapag rush hour.
Kung alam ng driver na coding siya, hindi siya daraan sa Edsa dahil may CCTV cameras. Isama na rin ang mga public utility vehicles para pantay-pantay ang labanan. Hulihin din ng CCTV cameras ang mga colorum na mga bus at ga-wing P1 milyon sa halip na P6,000.
Bukod diyan, hulihin ng CCTV cameras ang mga lumalabag sa “truck ban” nang hindi na tinataga ng mga traffic enforcers. Pati mga “heavy vehicles” na dumadaan sa mga flyover, tulay at ‘bypass roads” na lagpas sa “load limit” hulihin din. Ilang beses na bang nasiraan ang mga iyan sa ibabaw ng mga tulay?
Bantayan din ng MMDA ang galaw ng sarili nilang tauhan sa mga lansangan. Nagkukumpulan palagi lalo na sa Commonwealth-Tandang Sora, Philcoa at marami pang lugar.
Sa totoo, dito lang sa number coding, colorum buses, truck ban, load limits, marami nang magagawa ang 250 CCTV ng MMDA.
Mga bagay na kaya nitong gawin at malaki ang maitutulong upang tunay na mabawasan ang mga sasakyan sa EDSA at iba pang lansangan. Kung tutuusin , matagal na nilang dapat ipinatupad itong “no contact” sa mga binanggit kong problema.
Kaso, hindi ba nila alam o nagbubulagbulagan lang talaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.