PNP, handa nang umasiste sa pagpapadala ng COVID-19 vaccines sa mga probinsya

By Angellic Jordan May 20, 2021 - 02:45 PM

PNP photo

Nakahanda nang umasiste ang Philippine National Police (PNP) para matiyak ang mabilis na transportasyon ng mga bakuna kontra COVID-19 sa iba’t ibang probinsya.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, naka-standby na ang floating assets ng PNP Maritime Group at helicopters ng PNP Special Action Force sakaling kailanganin sa pagpapadala ng mga bakuna.

“Bilang tugon sa direktiba ng ating SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Eduardo Año, inatasan ko ngayon ang Maritime Group at ang Special Action Force na ihanda ang mga PNP speedboat at helicopter upang magamit sa pagdadala ng mga bakuna sa mga isla at mga malalayong lugar para sa ating mga kababayan,” pahayag ng hepe ng PNP.

Ipinag-utos din aniya niya sa lahat ng commander na ihanda ang lahat ng sasakyan at security plan para sa mga PNP personnel na tutulong sa transportasyon ng mga bakuna at seguridad sa vaccination sites.

Nasa halos 200 floating assets ng PNP Maritime Group at apat sa pitong helicopters ng SAF ang pwede nang i-deploy.

Ani Eleazar, patuloy silang makikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), Armed Forces of the Philippines (AFP) at lahat ng ahensya para sa maayos na transportasyon ng mga bakuna.

“Makakaasa po kayo ng bente-kuwatro oras na serbisyo ng inyong PNP para mapabilis ang minimithing herd immunity,” dagdag nito.

Siniguro rin ni Eleazar na ligtas nilang ipapadala ang mga bakuna.

“Sa simula pa lamang po ng rollout ng bakuna sa ating bansa, nagkaroon na po ng mga simulation exercises at workshops ang ating kapulisan sa transportasyon at distribusyon ng COVID-19 vaccines,” saad pa nito.

PNP photo

TAGS: COVID-19 vaccine delivery, Inquirer News, PNP, PNP chief Guillermo Eleazar, Radyo Inquirer news, COVID-19 vaccine delivery, Inquirer News, PNP, PNP chief Guillermo Eleazar, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.