Brand ng gagamiting COVID-19 vaccine sa vaccination sites, hindi na iaanunsiyo
Hindi na iaanunsyo ng Department of Health (DOH) kung anong brand ng bakuna kontra COVID-19 ang gagamitin sa mga vaccination sites.
Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center Chairperson Myrna Cabotaje, ito ay para hindi na maulit ang insidente sa isang mall sa Parañaque na dumagsa ang mga nagpapabakuna nang malaman na Pfizer ang gagamitin.
“Maybe one of the strategies that can be made is hindi na ia-announce kung anong bakuna ang ibibigay. So, kung gusto ninyong magpabakuna, pumunta kayo sa ganitong facility o kaya vaccination sites tapos kung ano iyong bakuna na available, iyon ang dapat na kunin nila,” pahayag ni Cabotaje.
Hindi aniya dapat na maging choosy ang publiko.
“Kasi nga dinagsa iyong Pfizer, kasi noong nag-announce na may Pfizer, everybody wanted to use Pfizer. In our general principle, kung anong bakuna ang available dapat kunin mo na, that will help the flow. So, ang kunin mong bakuna kung ano iyong available na bakuna at that time that you are scheduled to go to the health center,” pahayag ni Cabotaje.
Sinabi pa ni Cabotaje na pare-pareho rin lang naman ang bakuna na nagbibigay proteksyon laban sa COVID-19.
Kapag tumanggi aniya ang isang indibidwal sa isang brand ng bakuna, dapat bumalik ito sa dulo ng pila.
Tanging ang mga nasa A1 priority list o ang health workers lamang ang may karapatan na mamili ng bakuna dahil sa una pa lamang, hindi na inirerekomenda sa kanila ang Sinovac.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.