Alamada, Cotabato Mayor Sacdalan positibo sa COVID-19
Nagpositibo sa COVID-19 si Alamada, Cotabato Mayor Jesus ‘Susing’ Sacdalan.
Sa Facebook, sinabi ng alkalde na nagkaroon siya ng exposure sa isang indibidwal na positibo sa nakakahawang sakit sa isang pagtitipon.
“Sa lahat ng minamahal kong Alamadians, nais ko pong ipaalam sa inyo na ako po ay nag positibo sa COVID-19 dahil may nakasalamuha ako na positibo sa COVID-19 sa isang pagtitipon habang ginagampanan ko ang tungkulin bilang inyong Municipal Mayor,” pahayag ni Sacdalan.
Maayos aniya ang kaniyang kalagayan at nakasailalim na siya sa quarantine.
“Para na rin sa kaligtasan ng lahat at mga taong palagi kong nakakasalamuha, kinakailangan kong sundin ang tamang proseso,” dagdag nito.
Pinayuhan ng alkalde ang lahat ng kaniyang nakasalamuha noong May 12, 2021 na mag-self quarantine o home quarantine.
Sakaling may nararamdamang sintomas ng COVID-19, agad aniyang ipagbigay-alam sa Rural Health Unit.
“Ito ay isa lamang patunay na sa kabila ng pag-iingat, ang banta ng COVID-19 ay nariyan. Patuloy po nating sundin ang mga minimum health standards na ipinapatupad ng Department of Health (DOH) para mapanatili ang ligtas na pamumuhay sa bayan ng Alamada,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.