Nagsimula na ang operasyon bilang isolation facility ng Makati Science High School matapos magkasundo ang pamahalaang-lungsod sa pangunguna ni Mayor Abby Binay at Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon.
Sinabi ni Binay na layon ng pagbubukas ng karagdagang isolation facility sa Barangay Cembo na mapalakas pa ang kanilang kampaniya laban sa COVID-19.
Dagdag pa niya, ang paghihiwalay sa mga pasyente na magpopositibo sa coronavirus ay isa sa mga pamamaraan upang malimitahan ang pagkalat pa nito sa lungsod.
Nakipagkasundo ang pamahalaang lungsod sa Philippine Red Cross dahil sa kakulangan ng tauhan na magpapatakbo ng pasilidad, na may 56-bed capacity.
Nabatid na ang Red Cross personnel ang magmo-monitor ng kondisyon ng mga pasyente at sila rin ang mag-aasikaso sa mga kinakailangang dokumento.