Sen. de Lima, kontra sa gusto ni Roque na bakuna muna bago ayuda

Mariing tinuligsa ni Senator Leila de Lima si Presidential spokesman Harry Roque sa pahayag nito na gawing requirement sa pagtanggap ng cash aid ang pagpapabakuna.

Sinabi ni de Lima na ang pangunahing nagtulak ng 4Ps Bill sa Senado, na ilegal at katangahan ang gusto ni Roque at patunay aniya ito na wala sa realidad ang administrasyong Duterte.

Diin nito, dahil kinakailangan ng mga mahihirap na maghanapbuhay kayat kung may pagkakataon ay susunggaban nila ang pagpapabakuna.

Unang binanggit ni Roque na 30 porsiyento lang ng mga Filipino ang nais magpabakuna kayat sinabi nito na dapat ay gawing requirement na sa pagtanggap ng cash aid sa ilalim ng 4Ps ang pagpapabakuna.

Ipinaalala pa ng senadora sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakasaad sa Republic Act 11525 o ang COVID 19 Vaccination Program Act of 2021 na hindi kinakailangan ang vaccine card para sa educational at employment purposes gayundin sa iba pang transaksyon sa gobyerno.

“Ang 4Ps ay tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan. Hindi ito kasangkapan para pilitin ang mga tao na naghahanap ng paglilinaw at impormasyon sa bakuna,” pagdidiin pa ni de Lima.

Read more...