Pinaigting ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line-3 o MRT-3 ang seguridad upang manatiling ligtas ang mga pasahero.
Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje, mahigpit na tinututukan ang seguridad at maintenance providers ng linya kasunod ng mga nangyaring insidente sa tren.
“Nagtalaga na tayo mula sa sarili nating security unit ng nagmomonitor sa guards augmentation at pagsasaayos ng mga bakod palibot sa nasasakupan ng MRT-3 bilang immediate actions sa insidente,” pahayag ni Eje.
Nagpatrolya na rin aniya ang apat na foot tracks guards sa istasyon ng Taft hanggang Magallanes.
Maliban dito, mayroon ding patrol car na babantayan ng security officers para sa karagdagang seguridad sa nasabing lugar.
“Makaaasa po ang publiko na patuloy ang gagawing hakbang ng MRT-3 upang mas mapalakas ang seguridad sa kabuuan ng linya, upang laging mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero,” dagdag ni Eje.
Sa ngayon, nasa 750 na ang mga naka-deploy na security personnel sa MRT-3 na galing sa security provider ng linya na Kaizen Security Agency Corp.