Medical Reserve Force ng PNP, ipinadala sa QC vaccination sites para tumulong sa pagbabakuna

By Angellic Jordan May 19, 2021 - 01:49 PM

PNP photo

Ipinadala ang Philippine National Police’s Medical Reserve Force (PNP-MRF) sa ilang vaccination centers sa Quezon City upang tumulong sa pagpababakuna ng COVID-19 vaccines at maiwasan ang overcrowding.

Nai-deploy ang mga miyembro ng PNP-MRF sa San Francisco High School, Project 6 Elementary School, at Masambong Elementary School.

Nakapagsilbi rin ang mga PNP-MRF personnel sa PNP-operated quarantine facilities tulad ng Ultra Stadium in Pasig City at PICC quarantine center sa Pasay City.

Paliwanag ni PNP Chief, General Guillermo Eleazar, “Gusto nating iwasan na maging super spreader events ang pagaantay natin na tayo’y mabakunahan. Imbes na proteksyon eh baka virus pa ang makuha natin.”

Inihalimbawa ng hepe ng PNP ang insidente sa Parañaque City kung saan dumagsa ang mga residente sa isang mall kahit hindi pa schedule ng pagpapabakuna.

Dahil dito, hindi nasunod ang minimum health safety protocols, partikular ang physical distancing.

Tiniyak ni Eleazar na lahat ng PNP-MRF personnel ay bibigyan ng personal protective equipment at vitamins para manatiling COVID-free.

“We will continue to coordinate and assess the situation with the Department of Health and our LGUs kung saan pa iyong mga vaccination centers na nangangailangan ng tulong,” ayon kay Eleazar.

Dagdag nito, bibigyan ang mga miyembro ng PNP-MRF ng refresher course o reorientation para sa pagbibigay ng bakuna bago ang kanilang deployment.

TAGS: COVID-19 vaccination, Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, PNP-MRF, Radyo Inquirer news, COVID-19 vaccination, Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, PNP-MRF, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.