No disconnection ng Meralco hiniling palawigin pa

Hiniling ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Meralco na palawigin pa ang ‘no disconnection period’.

Ayon kay Zarate, kung maari ay habaan pa ng Meralco, hanggang anim na buwan ang no disconnection period.

Dapat anyang ikunsidera ng Meralco na kagagaling lang ng mga consumers sa ‘hard lockdown’ at hindi pa natatapos ang mahigpit na restrictions na ipinatutupad kahit bahagyang niluwagan na sa ilalim ng general community quarantine.

Ang extension ng ‘no disconnection period’ ay hindi naman mangangahulugan o magreresulta sa bankruptcy o pagkalugi ng Meralco.

Paliwanag ni Zarate, ang anim na buwang pagpapalawig sa ‘no disconnection period’ ay makapagbibigay ng sapat na panahon sa mga consumers para mabayaran ang kanilang bill sa kuryente lalo’t marami sa mga ito ang nawalan ng trabaho at hirap makahanap ng panggastos para sa araw-araw na pangangailangan.

Tinukoy pa ng kongresista na kahit lockdown noong nakaraang taon ay nagawa pa rin ng Meralco na kumita ng P21.71 Billion kaya hindi ito malulugi sa pagpapalawig ng ‘no disconnection period’.

Read more...