Babae napaanak sa kalsada sa Pasay City, sinaklolohan ng city rescue team

Pasay City PIO photo

Inabot na ng panganganak sa kalsada sa Pasay City ang isang 28-anyos na locally stranded individual (LSI), Martes ng gabi (May 18).

Sa inisyal na impormasyon mula kay Jun Burgos, ang tagapagsalita ng pamahalaang-lungsod, bandanh 6:30 ng gabi nang iluwal ni Julie Bayda, tubong Iligan City, ang kanyang anak sa harap ng World Trade Center sa kanto ng Macapagal Boulevard at Gil Puyat Avenue.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office kayat agad na nabigyang proteksyon ang mag-ina.

Sinabi pa ni Burgos, ang rescue team na ang pumutol sa umbilical cord ng sanggol, bago dinala sa Pasay City General Hospital ang mag-ina.

Kasunod nito, inutusan ni Mayor Emi Calixto – Rubiano ang City Social Welfare and Development Department na puntahan ang mag-ina at ibigay ang lahat ng kinakailangan na tulong.

Sumailalim na rin ang mag-ina sa COVID 19 test.

Read more...