Hindi na kakayanin ng mga magsasaka kung tatapyasan pa ang taripa sa imported na bigas na ipinapasok sa bansa.
Ito ang sinabi ni Senator Francis “Kiko”Pangilinan bilang reaksyon sa Executive Order 135, na nagbababa ng taripa sa mga inaangkat na bigas mula sa India, Pakistan at China.
“Patay na naman ang rice farmers natin. Dapa na ang ating mga magpapalay dahil sa tuloy-tuloy na pasok ng imported rice. Sumubsob pa dahil sa pandemya. Ngayon, parang ililibing na sila sa hirap sa ulat na pagbaba ng taripa,” pahayag ni Pangilinan.
Pagdidiin pa ng senador hindi pa nailathala ang EO 135 at wala pa siyang nakikitang kopya nito.
Giit niya, ang economic managers na ang nagsabi na stable ang suplay ng bigas sa bansa kayat ipinagtataka niya na kailangan pang ibaba ang taripa ng imported rice.
“Pag bumaba ang kita o hindi na kumikita ang magpapalay, di na siya magtatanim. Pag di na siya nagtanim, lalo tayong nakaasa sa imported. Pag ganyan, hawak na ng ibang bansa ang pagkain natin,” paliwanag nito.
Hinala niya, wala o kulang ang nagging konsultasyon hinggil sa naturang kautusan ng Malakanyang.