PGH, pinatutulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ni Senior Citizens Rep. Rodolfo Ordanes na tulungan ng pamahalaan ang Philippine General Hospital o PGH.
Ito ay kasunod na rin ng naganap na sunog sa isang bahagi ng pagamutan, Linggo ng hapon (May 16).
Sa House Resolution 1767, umaapela si Ordanes sa Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department o Finance (DOF) at iba pang ahensya ng gobyerno na agad na mabigyan ng mga kinakailangang tulong ang PGH.
Kabilang na rito ang pondo, mga personnel, imprastraktura, equipment at medical supplies at iba pang assistance at kagamitan na kailangan ng ospital para maibalik ang buong operasyon nito.
Ayon kay Ordanes, ang PGH ay isa sa mga pangunahing ospital sa bansa na takbuhan at nakatutok sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Bago pa aniya magkaroon ng pandemya, ang PGH ay tumatanggap ng 600,000 pasyente kada taon.
Dahil sa nangyaring sunog ay naapektuhan ang operasyon ng PGH na “significant blow” o may malaking epekto sa mga hakbang kontra COVID-19.
Kailangang kailangan aniya ngayon ng PGH ng tulong upang maipagpatuloy ang full operations at makapag-serbisyo sa publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.