PNP Chief Eleazar, mahigpit na pinababantayan ang pagbubuksan ng ilang tourist attraction sa NCR plus

By Angellic Jordan May 17, 2021 - 06:29 PM

PHOTO CREDIT: PNP/FACEBOOK

Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar sa lahat ng police unit naa mahigpit na bantayan ang pagbubukas ng ilang tourist attraction sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal o ang tinatawag na ‘NCR plus.’

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) “with heighted restrictions” sa mga nabanggit na lugar.

Sa nakalipas na weekend, nagsimula nang bisitahin ang ilang tourist spots kung saan pinayagan nang makapag-operate hanggang 30 porsyento.

Ayon kay Eleazar, nauunawaan niya ang pagkasabik ng karamihan sa mga Filipino na makapamasyal muli.

Ngunit, kailangan pa rin aniyang tumalima sa safety protocols upang hindi mahawa ng COVID-19.

Pakiusap ni Eleazar sa publiko, “We ask our kababayan within the NCR Plus to restrict their travel witihin the Bubble. At para naman doon sa mga nasa labas ng Bubble, huwag na po nating pilitin na pumasok pa unless essential travel po ang inyong lakad.”

Sinabihan din ng hepe ng PNP ang mga pulis na bantayan ang mga lalabag sa minimum public health protocols at makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa pagbabantay sa tourist attractions.

“Tandaan po natin na nasa bansa na ang mas nakahahawang variant ng COVID-19 na galing sa India kaya kailangan po natin ang mas ibayong pag-iingat,” saad nito.

Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga pamunuan ng establisyemento at leisure spots na istriktong sundin ang IATF guidelines ukol sa capacity rates at health protocols.

TAGS: Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, Radyo Inquirer news, tourist attraction, Inquirer News, PNP chief Guillermo Eleazar, Radyo Inquirer news, tourist attraction

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.