Sa pagbabalik ng sesyon sa Senado ngayon araw, muling hiniling ni Senator Christopher Go sa mga kapwa senador na suportahan ang isinusulong niyang pagpapatayo ng Department of Overseas Filipinos (DoFil).
Diin ng senador, ngayon may pandemya napakahalaga na maisaayos ang Sistema na nagbibgay proteksyon sa mga Filipino na nasa ibang mga bansa.
“Ako po ay nakikiusap din po sa mga kasamahan ko sa Senado. Pasado naman ito sa Lower House. Sa Senado, nakatatlong hearings na tayo at agreeable naman ang Executive, payag na sila sa version na ito,” hirit ni Go.
Katuwiran niya, mahigit 10 milyong Filipino ang nasa ibang bansa at higit kalahating milyong OFWs ang napilitan magbalik sa bansa dahil sa pandemya kayat aniya kailangan ng isang departamento na nakatutok sa kanila.
Sinertipikahan na ng Malakanyang bilang ‘urgent’ ang panukala at ilang beses na rin itong binanggit ni Pangulong Duterte na ‘priority measures,’ kasama na sa kanyang huling dalawang State of the Nation Address o SONA.
“Importante mabigyan na natin sila ng departamento. Isipin mo, ten million OFWs ang nasa ibang bansa. Ibig sabihin, 10% ng population ‘yan tapos wala silang departamento,” paliwanag ni Go.
Samantala, inihain naman ni Sen. Ronald dela Rosa ang isang kahalintulad na panukala.
Sa isinusulong niyang Department of Overseas Filipinos Act, nais ni dela Rsoa na malagay na lang sa isang bubungan ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng ibat-ibang ahensiya na tumutugon sa mga pangangailangan at kapakanan ng mga Filipino sa ibang bansa.