Umani ng samut’saring reaksiyon ang homily o sermon ng isang pari sa kanyang misa nang sabihin nito na marami siyang ipapapatay kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte sakaling mahalal ito bilang pangulo.
Hamon ni Fr. Lorenzo Bautista, rector ng Masbate Cathedral kay Duterte, dapat tuparin nito ang kanyang pangako na sa loob lamang ng ilang buwan ay itutumba niya ang mga kriminal kapag siya na ang pangulo.
Naroon mismo sa simbahan ang alkalde nang bangitin ng pari ang hamon, kung saan nangampanya si Duterte.
Ayon pa kay Father Bautista, aprubado sa kanya ang plano ni Duterte bilang matapang na solusyon sa pagsugpo sa kriminalidad at korapsiyon.
Nang tanungin naman ng mamamahayag kung siya ba ay seryoso sa kanyang hamon kay Duterte, sinabi ng pari na iyon ay “joke lang” pero si Digong daw ang kanyang susuportahang kandidato.