Pagkaka-aresto sa mag stepfather na pumatay sa dalawang bata sa San Jose del Monte City, Bulacan ikinalugod

Pinapurihan ni San Jose del Monte City, Bulacan Mayor Arthur Robes ang Philippine National Police sa agarang pagresolba sa krimen ng pagpatay sa dalawang bata sa Barangay Graceville ng nasabing lungsod.

Ayon sa Robes, nagpapasalamat siya at kaagad nabigyan ng katarungan ang pagpatay sa isang walong taong gulang na batang lalaki at sa 11-anyos na babae na ginahasa muna bago pinatay.

Sinabi rin ni Mayor Robes na ibinigay niya pulisya ang P100,000 pabuya na kanyang inanunsyo at ang PNP na bahala na mag-abot nito sa mga nakatulong para maresolba ang karumal-dumal na krimen.

Sabi naman ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes, bilang isang ina hindi niya matanggap at nalulungkot siya sa pangyayari.

Hindi anya maari na may ganitong krimen sa kanilang lungsod at kahit saan pa.

Nanawagan din ang kongresista sa kanyang mga kababayan na maging mapagmatyag at isumbong sa mga awtoridad kapag mayroong nalaman na krimen.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa bakanteng lote ng Barangay Graceville noong May 12 bago magtanghali matapos ang mga itong mawala hapon ng May 11.

Pinasalamatan naman ni Police Major Julius Alvaro, hepe ng San Jose del Monte City PNP ang mag-asawang Robes sa kanilang ginawang tulong upang agad na maresolba ang krimen.

Malaking tulong anya ang P100,000 pabuya kaya kaagad nadakip ang mga suspek na mag stepfather.

 

 

 

 

Read more...