Pansamantalang sarado ngayong araw ang emergency room ng Philippine General Hospital kasunod ng sunog na sumiklab, madaling-araw ng linggo.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, bukod sa pagsasara ng ER ay hindi rin muna sila tatanggap ng pasyente.
Dahil dito, humingi ng pang-unawa si Del Rosario sa publiko.
Pasado 2am kanina nang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng ospital na umabot sa ika-pitong palapag ng pagamutan dahilan upang ilikas ang mga pasyente.
Nagsimula ang apoy sa operating room sterilization area kung saan nakatabi ang mga linen.
12 bagong panganak na sanggol na nasa nursery ng PGH ang kinailangang ilipat sa Sta. Ana Hospital.
Naapula ang sunog dakong 5:41 ng umaga na umabot lamang sa 2nd alarm.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente.