Rollout ng COVID-19 vaccine pinabibilisan ni Senador Bong Go
Humihirit si Senador Bong Go sa pamahalaan na bilisan ang rollout ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Go, chairman ng Senate committee on Health, hindi dapat na maging kumpiyansa ang pamahalaan kahit na bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Bilisan natin ang ating vaccine rollout. Huwag na sana tayo umabot sa punto na mae-expire ito dahil nandiriyan na ‘yung mga bakuna. Dapat nakaplano ito nang maigi, na wala pong masasayang, dahil talagang agawan ang supply ng bakuna. Paigtingin at bilisan natin ang pagbabakuna para ma-attain natin ‘yung herd immunity sa community,” pahayag ni Go.
Dapat aniyang maging handa ang pamahalaan sa mas malaki at malawakang pagbabakuna sa mga susunod na araw.
“Siguraduhin dapat na maayos ang storage, walang masisira at walang masasayang na bakuna dahil pinaghirapan po natin ito,” pahayag ng Senador.
“Sa mga kasamahan ko sa gobyerno, bilisan natin ang rollout, i-deploy na dapat sa iba’t ibang parte ng bansa, at siguraduhing ni isang bakuna ay walang masayang at magamit sa tama at wasto ayon sa ating ipinapatupad na vaccine program upang maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag ng Senador.
Dapat aniyang dagdagan na ang mga vaccination sites lalo’t parating na sa bansa ang malaking bulto ng mga bakuna.
“Marami pa pong parating na bakuna sa mga susunod na buwan kaya kung anuman ang meron tayo ngayon, magamit na dapat para maturukan ang mga natitirang frontliners, vulnerable at essential sectors lalo na sa critical areas kung saan mataas pa ang bilang ng kaso,” dagdag ng Senador.
“Pagkatapos nito, dapat makarating ang bakuna sa kahit saang sulok ng bansa lalo na sa mga lugar kung saan hindi pa nga nila nasusulyapan kung ano ang bakunang ito. Siguraduhin nating walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon,” ayon kay Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.