BARANGAYanihan Help at Food Bank, inilunsad ng PNP
Inilunsad na ng Philippine National Police (PNP) ang BARANGAYanihan (Bayanihan sa Barangay) Help and Food Bank sa Camp Crame, araw ng Biyernes, May 14.
Pinangunahan ito ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, kasabay ang paglulunsad sa lahat ng Police Regional Offices sa buong bansa.
Layon nitong tugunan ang kanilang mandato na protektahan ang publiko at paigtingin ang social responsibility, lalo na sa panahon ng pandemya.
Inihahalinbawai rin aniya ng BARANGAYanihan ang ugali ng mga Filipino na pagtutulungan sa panahon ng kalamidad.
Importante rin aniya ang proyekto para makatulong sa mga nawalan ng trabaho at pagkakakitaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“The COVID-19 pandemic has tested the true character and unveiled who we truly are as Filipinos—nagtutulungan, may puso at may malasakit sa kapwa natin sa panahon ng kagipitan,” ani Eleazar.
“Inaasahan ko na ang lahat ng kapulisan ay makikiisa at isasa-puso ang proyektong Barangayanihan dahil ito ang tunay na kahulugan ng PNP motto na ‘To Serve and Protect’, at ito ang tunay na diwa ng salitang Pilipino,” dagdag pa nito.
Sakop ng BARANGAYanihan ang lahat ng police-community relations support activities upang pag-ibayuhin ang Bayanihan spirit sa PNP at mga komunidad.
Matagal nang isinasagawa ang BARANGAYanihan sa pamamagitan ng police-community relations programs tulad ng Kapwa Ko, Sagot Ko, Community Feeding Program; Adopt-a-Family Program; PNP Food Bank at iba pang support services.
Pinatitibay din ng proyekto ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at partner stakeholders.
“For years, the PNP has consistently recognized the participation of the community in fulfilling its duties at the frontlines. Sa pamamagitan ng programang ito, mas mapapalawak at mapapagtibay ang kooperasyon ng ating mga kababayan sa komunidad upang labanan ang Covid-19, gayundin ang krimen, terorismo at droga,” paliwanag nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.