Security audit sa Dito Telecoms, inihirit kasabay ng ‘Chinese invasion’ sa West Philippine Sea
Muling hiniling ni Senator Risa Hontiveros sa National Security Council (NSC) na magsagawa ng security audit sa Dito Telecommunity, ang third major telco sa bansa.
Kasabay ito nang pagtindi ng arangkada ng Chinese vessels sa West Philippine Sea kaya’t giit niya, hindi lang sa karagatan dapat paigtingin ang seguridad kundi maging sa internet.
Diin ng senadora, hindi niya titigilan ang pagkalampag para maimbestigahan ang planong pagpapatayo ng cellsites ng Dito sa loob mismo ng mga kampo-militar sa bansa.
“Noong 2019 pa lang, inihain ko na ang Senate Resolution 137 para masuri ang kasunduan ng AFP at Dito. Sana ay dinggin na rin ang resolusyon na ito sa Senado,” paalala ni Hontiveros.
Ipinaalala pa ng senadora ang mga reklamo ng LGUs sa mga paglabag ng Dito sa pagpapatayo nila ng cellsites sa iba’t ibang dako ng bansa.
Aniya, dapat ay pag-aralan ng DILG at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga reklamo sa pangamba na nalalabag na ang mga batas sa bansa.
Binanggit pa nito, ang hindi na niya pagkagulat sa pagkakatanggal sa New York Stock Exchange ng ChinaTel matapos ipahinto ni dating U.S. President Trump ang pamumuhunan ng Amerika sa mga China-owned companies na tumutulong sa Chinese military, intelligence at security agencies.
Ang hakbang na ito sa US, sabi pa ni Hontiveros, ay dapat ng magsilbing babala sa gobyerno ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.