Pangulong Duterte, walang balak paalisin ang dalawang barko ng gobyerno sa WPS

Photo grab from PCOO Facebook video

Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na paalisin ang dalawang barko ng pamahalan na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ito ay sa kabila aniya ng malaking utang na loob na tinatanaw ng pamahalaan sa China, na ang pinatutungkulan dito ay ang mga donasyong bakuna ng China.

Ayon sa pangulo, ayaw niya ng away o giyera sa pagitan ng China, kaya maigi aniyang irespeto nila ang isa’t isa.

Binigyang diin ng pangulo na ni katiting na pulgada ay hindi niya paaatrasin ang mga barko ng bansa na nasa Pag-asa Island at Mischief Reef, patayin man aniya siya ng China at kung kinakailangang matapos dito ang kanilang pagkakaibigan.

Umaasa na lamang ang pangulo na maiintindihan siya ng China, dahil kung hindi ay magkakaroon talaga aniya ng problema.

Pinalakas ng bansa ang presensiya nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng dagdag na barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng sovereignty patrols.

Kamakailan lang ay namataan na naman ng National Task Force on West Philippine Sea ang 287 Chinese maritime militia vessels na nakakalat sa Kalayaan waters na nag-udyok sa Department of Foreign Affairs (DFA) para muling maghain ng panibagong diplomatic protest laban sa China.

Read more...