Ngayon patuloy ang pagdating ng mga biniling bakuna laban sa COVID-19, pinamamadali na ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa gobyerno ang paglalatag ng National Vaccination Program.
Diin ng senador napakahalaga na mabakunahan na ang marami sa mga priority groups dahil kailangan nang paghandaan ang pagpapabakuna sa mas nakakaraming Filipino.
“Nananawagan ako sa national government natin, bilisan ninyo ang pagbabakuna dahil nandiyan naman na ang stock, para hindi ma-expire at marami sa mga kapatid natin ang mabakunahan na. Maraming mga Pilipino na ang na-encourage kaya dapat makapagbakuna na sila,” sabi ni Go.
Giit niya sa pagpapabakuna, hindi lang ang nabakunahan ang may dagdag proteksyon kundi nababawasan din ang pagkalat ng COVID-19.
Kailangan lang, ayon pa kay Go, na istriktong masunod ang vaccination priority list para hindi madiskaril ang programa.