Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian ang gobyerno na pagbutihin ang pagpapatupad ng skills and training programs para sa mga kabataan para makasunod sa mga kinakailangan ng mga negosyo.
Ayon pa sa senador kailangan din matugunan ang jobs-education mismatch kasunod ng mga hakbang na muling pasiglahin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapabangon sa mga naapektuhang negosyo.
Binanggit nito ang ulat ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ukol sa mga hamon na kinahaharap ng skills and training programs ng mga kabataan, partikular na sa Technical-Vocational Education and Training (TVET).
“Sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, kailangang tutukan natin ang pag-angat ng kalidad ng pagsasanay ng mga kabataan upang maihanda sila kapag sumabak na sila sa trabaho at tiyakin na ang kanilang kasanayan at kakayahan ay angkop sa pangangailangan ng mga industriya,” diin ni Gatchalian.
Sinabi pa ng senador, napapanahon na para magkasa ang gobyerno ng ‘flexible learning modalities’ para palakasin ang ‘digital skills’ ng mga kabataan ngayon maraming negosyo ang ‘online.’
Nabanggit ni Gatchalian ang isinusulong niyang pagpapatayo ng National Education Council (NEDCO) sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 1526 o ang National Education Council Act.
Paliwanag ng senador sa pamamagitan ng NEDCO ay magkakaroon ng koordinasyon ang DepEd, Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng kanilang mga programa at pagsasanay para sa mga kabataan.