Matapos isapubliko ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang presensiya ng 287 Chinese vessels sa loob ng teritoryo ng Pilipinas, galit na ipinag-utos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., ang paghahain ng panibagong diplomatic protest laban sa China.
Kasabay nito, hindi na nakapagpigil ang kalihim sa kanyang galit sa NTF-WPS dahil una pang nagpalabas ng press release bago ibahagi sa kanya ang impormasyon na nakalap noong Mayo 9 matapos ang pagsasagawa ng maritime patrol.
“@DFAPH fire diplomatic protest. Maybe these idiots (NTF-WPS) will have learned the protocol next time. I took this up with the President in Davao. We have a disease: everybody and his uncle wants to be a hero fighting China from anonymity of a task force,” ang tweet ni Locsin.
Unang isinapubliko ng NTF-WPS na ang 287 Chinese vessels ay nagkalat sa dagat na sakop ng Kalayaan Island.
Nais din ni Locsin na ipaliwanag sa kanya ng NTF-WPS ang kanilang hakbang na isapubliko ang impormasyon nang hindi siya sinasabihan.
Sa inilabas din na press release ng task force, iginiit na ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, taliwas sa pahayag ni presidential spokesman Harry Roque.