COVID-19 nagdulot ng masakit na leksyon – Sen. Go

Sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na maraming leksyon ang idinulot ng COVID-19 pandemic sa usapin ng kahandaan sa pagharap sa public health crisis.

“Nadala na po tayo sa nangyari sa atin. Nabigla tayo; hindi natin alam. Dapat ngayon, handa na tayo. Mayroon na tayong mga sistema na dapat sundin dahil maaaring hindi ito ang huling pandemya na darating sa atin,” sabi ni Go sa pagbubukas ng ika-109 Malasakit Center sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Kumilos na ang senador para sa sinasabi niyang paghahanda sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Bill No. 2158 at Senate Bill No. 2155.

Sa unang panukala, nais ni Go na makapagpatayo ng Center for Disease Control and Prevention o ang Philippine CDC, na mangangalaga sa kalusugan ng sambayan sa pamamagitan ng pagbabantay at pagpigil sa pagkalat ng mga nakakahawang sakit.

Samantala, sa isa pa niyang panukala, gusto ni Go na magkaroon naman ng Virology Science and Technology Institute para magkaroon at makagawa ng sariling bakuna ang Pilipinas at iba pang kinakailangan na mga gamot.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos dumating sa bansa ang mga karagdagan pang bakuna laban sa COVID-19.

Read more...