4 miyembro ng BIFF napatay ng puwersa ng gobyerno sa Datu Paglas, Maguindanao
Nagkasa ang puwersa ng gobyerno ng ‘aggressive military pursuit operations’ at nagresulta ito sa pagkakapatay sa apat na hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) matapos ang pag-atake sa palengke sa Datu Paglas, Maguindanao.
Sinabi ni Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng Army 6th Infantry Division na narekober ang apat na bangkay sa Barangay Talingko sa Datu Paglas matapos ang engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Army 601st Infantry Brigade at 50 miyembro ng BIFF.
Nangyari ang engkuwentro, Miyerkules ng umaga (May 12), nang abutan ng mga sundalo ang mga hinahabol na terorista, na umatake sa palengke ng Datu Paglas noong nakaraang Sabado.
Nagpapatuloy ang paghahabol ng militar sa mga terorista sa iba pang katabing bayan at may dalawa pang terorista ang naaresto.
Higit 20,000 residente ang napilitang umalis ng kanilang bahay sa pangamba na maipit sa dalawang puwersa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.