Pagkakaroon ng mga expired at malapit ng ma-expire na gamot sa mga warehouse ng DOH, pinaiimbestigahan sa Kamara

By Erwin Aguilon May 12, 2021 - 06:34 PM

Isinusulong ni Deputy Speaker at CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva na imbestigahan ng Kamara ang sinasabing mga “expired at nearly expired” na mga gamot at “overstocked” na mga medical supplies sa mga warehouse ng Department of Health.

Ayon kay Villanueva, inihain ng CIBAC Partylist ang House Resolution 1732 upang masiyasat ng kaukulang komite ng Kamara ang naturang problema at para malaman kung mayroong posibleng anomalya rito.

Hindi aniya dapat masayang ang mga gamot.

Batay sa Commission on Audit o COA noong October 2020, sinabi ni Villanueva na nagkakahalaga ng mahigit sa P2 bilyon ang overstoked na mga gamot ang hindi naipamahagi hanggang sa na-expire na lamang mula sa mga bodega ng DOH noong 2019.

Nauna nang ipinaliwanag ng DOH na tuloy-tuloy naman ang distribusyon ng mga “nearly expired” at overstocked na mga gamot.

Pero giit ni Villanueva, kung patuloy na matetengga ang mga gamot ay hindi lamang nasasayang dito ang pondo ng gobyerno kundi naapektuhan din ang paghahatid ng kalidad na health care services sa mga Pilipino. / Erwin Aguilon

Excerpt: Inihain ng CIBAC Partylist ang House Resolution 1732 upang masiyasat ng kaukulang komite ng Kamara ang naturang problema at para malaman kung mayroong posibleng anomalya rito.

TAGS: 18th congress, bro eddie villanueva, Cibac partylist, doh, House Resolution 1732, Inquirer News, Radyo Inquirer news, 18th congress, bro eddie villanueva, Cibac partylist, doh, House Resolution 1732, Inquirer News, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.