Sumiklab ang sunog sa Pasig City General Hospital sa bahagi ng Barangay Maybunga sa nasabing lungsod, araw ng Miyerkules.
Ayon sa Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), umabot sa ikatlong alarma ang sunog dakong 11:09 ng umaga.
Tuluyan namang naapula ang apoy bandang 3:00 ng hapon.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, batay sa pahayag ng BFP, lumaki ang sunog dahil namataan ang stockpile ng alcohol.
Wala naman aniyang nasaktan sa nasabing insidente.
Sinabi rin ng alkalde na walang nadamay na mahalagang kagamitan at suplay sa sunog.
Bunsod ng sunog, inilipat muna ang 14 pasyente sa ibang pasilidad sa lungsod.
Nagpasalamat din si Sotto sa The Medical City at kay Manila Mayor Isko Moreno para sa alok na tulong sakaling kailanganin ang paglipat ng mas maraming pasyente.