Nagpaliwanag ang Palasyo ng Malakanyang sa pagkaantala ng pamamahagi ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may mga proseso kasi na kailangang sundin bago ipamahagi ang mga bakuna sa local government units.
“Alam ninyo po iyong pagkaantala ay dahil mayroon po silang pinapa-process na certificate of analysis na kinakailangan. Lalung-lalo na sa Sinovac eh magkaroon ng pag-aaral para makita kung parehas ng quality iyong ibang mga dumating sa atin,” pahayag ni Roque.
Sakali aniyang natapos na ang certificate of analysis, agad aniyang ipamimigay ang bakuna lalo na sa National Capital region na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.
“So, iyon po ang dahilan kung bakit hindi mai-deliver kaagad. Pero matapos na makuha itong certificate of analysis na ito ay diri-diretso na po iyong pagdi-distribute niyan dahil ang nais nga po natin sa lalong madaling panahon, lalung-lalo na dito sa NCR Plus ay upang mabakunahan ang pinakamaraming mga kababayan natin,” pahayag ni Roque.