Pinabibilisan ni House Committee on ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang rollout ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ito ay kasunod ng muling pagbagsak ng GDP o paglago ng ekonomiya ng bansa sa 4.2% sa first quarter ng 2021.
Ayon kay Salceda, pinakamahalagang ‘economic intervention’ ngayon ang mabilis na rollout sa bakuna upang matulungan ang mga Pilipino na maka-recover at ligtas na makabalik sa trabaho.
Kung mas mapapaaga na mabakunahan ang maraming Pilipino sa bansa ay mas makakabuti rin anya ito para sa ekonomiya.
Habang hinihintay rin ang pagdating ng mas maraming bakuna at ligtas na pagbubukas ng bansa, mahalagang ikunsidera at kilalanin ng pamahalaan ang pangangailangan sa household relief.
Paliwanag ni Salceda, ang household relief ang maituturing na ‘strongest relief’ para maprotektahan ang household income at ‘strongest bridge’ para sa bakuna.
Ito aniya ang dahilan kaya nakapaloob sa ilalim ng isinusulong na Bayanihan 3 ang dagdag na suporta para sa mga apektado ng pandemya.
Sakali namang sa susunod na quarter ay hindi pa rin magkaroon ng gains sa ekonomiya ay dito na papasok na kailangan na talaga ng bansa ng dagdag na fiscal support.
Gayunman, hindi na ikinagulat ng kongresista ang muling pagsadsad ng ekonomiya pero nakakadismaya pa rin aniya na may quarantine o wala ay bagsak pa rin ang GDP ng bansa.