Panloloko sa sambayanang Filipino ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na biro lang ang sinabi niya noong 2016 na magje-jet ski siya papunta sa Spratly Islands at magtatayo ng bandera ng Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Sen. Leila de Lima at aniya, ang taktika na ito ni Pangulong Duterte noong panahon ng kampaniya ang ugat kayat magulo ang pamamahala ngayon.
Sa pag-amin aniya napatunayan na wala talagang plano si Pangulong Duterte na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Joke lang para kay Duterte ang napaka-importanteng isyu sa bansa kaya patuloy ang pagkamkam ng Tsina sa ating teritoryo at pagnakaw sa kabuhayan ng mga mangingisdang Filipino,” sabi ng senadora.
Kaya’t paalala niya sa sambayanan, ang pagbibiro sa mahalagang isyu ay dapat magsilbing paalala sa sambayanan na pumili ng pinuno na seryosong ipaglalaban ang kapakanan at karapatan ng mamamayan.
“One year from now, we will be electing a new president and set of leaders. Let us not be fooled again by politicians like Duterte who are like empty shells that have nothing to show how to fulfill their mandate to the people,” diin ni de Lima.