Sumakabilang buhay kaninang umaga, Mayo 11 dahil sa mga komplikasyon dulot ng COVID-19 ang arestadong opisyal ng grupong Anakpawis.
Base inilabas na pahayag ng grupo, namatay si Joseph Canlas dahil sa hindi makatarungan at matagal na pagkakakulong.
Si Canlas ay vice-chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, chairman ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson at bise-presidente ng Anakpawis partylist.
Sa unang inilabas na pahayag ng KMP, sinabi na ang miserableng kondisyon sa kulungan at pagpapabaya ng jail officers ang nagpapalala sa kondisyon ni Canlas.
Noong Sabado isinugod na sa Jose B. Lingad Memorial Hospital sa Pampanga si Canlas matapos makaranas na ng hirap sa paghinga at kahapon ay na-comatose na ito at nilagyan ng mechanical ventilator.
Nabatid na ito ay may hypertension at diabetes.
Inaresto siya Noong Marso 30 at ayon sa kanyang mga kasama, gawa-gawa ang mga kaso at ebidensiya na isinampa laban kay Canlas.