Isa patay, 5 sugatan matapos araruhin ng truck ang mga humihingi ng ayuda sa Bulacan
By: Erwin Aguilon
- 4 years ago
Nasa lima ang nasugatan habang isa ang nasawi makaraang araruhin ng dump truck sa gilid ng city hall ng San Jose del Monte City, Bulacan ang mga humihingi ng ayuda na naapektuhan ng pandemya sa COVID-19.
Nabatid na inatake sa puso ang driver ng dump truck na pag-aari ng lokal na pamahalaan dahilan upang masagasaan ang mga tao na pumipila sa ayuda.
Nakilala ito na si Herminio Gerona 57 anyos, driver at residente ng zone 4, Brgy Graceville ng nasabing lungsod.
Kaagad namang isinugod sa ospital ang lima sa mga nasugatan habang ang apat at binigyan ng pangunang lunas sa lugar.
Ayon naman kay San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes sasagutin lahat ng lokal na pamahalaan ang gastos ng mga nasugatan at nasawi sa insidente.