Ikinabahala ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na lalo pang lalala ang “red-tagging” dahil sa pagdadagdag ng mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay Zarate, dahil sa napakaraming tagapagsalita ng NTF-ELCAC ay asahan na labis na paggamit sa kanila para sa red-tagging activities at pagpapakalat ng mga maling impormasyon at fake news.
Ang pinaka-nakakatakot, ani Zarate, ay humantong pa ito sa mga gawa-gawang kaso, harassment at extra judicial killings (EJKs).
Dagdag ng mambabatas, tila pagsasayang sa mga buwis ng taumbayan ang pagtatalaga ng walong NTF-ELCAC spokespersons.
Iginiit din ni Zarate na dapat nang mapigilan ang NTF-ELCAC sa red-tagging nito na mapanganib sa buhay ng mga tao — mula sa mga ordinaryong indibidwal, hanggang sa mga militante, abogado, media, mga taong-simbahan at kahit mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Sa ngayon ay umabot na sa walo ang spokespersons ng NTF-ELCAC, kung saan mananatiling tagapagsalita ang kapwa kontrobersyal na sina Army Lt. Gen. Antonio Parlade at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy.