Pangakong pagpunta sa Spratly Islands gamit ang jet ski, “pure campaign joke” – Duterte
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang “pure campaign joke” ang kaniyang ipinangko noong 2016 na pupunta siya sa Spratly Islands gamit ang jet ski at maglalagay ng bandila ng Pilipinas.
“Panahon [ng] kampanya ‘yan. At saka ‘yung biro na ‘yun… ‘yung bravado ko, it was a pure campaign joke. At kung naniniwala kayo sa kabila, pati na rin si Carpio, I would say you are really stupid,” pahayag ng Pangulo sa kaniyang public address.
Ayon sa Punong Ehekutibo, pinlano niyang ituloy ang naturang pangako.
Bumili pa aniya siya ng segunda manong jet ski ngunit hanggang ngayon, hindi pa aniya dumarating.
Punto pa ng Pangulo, mawawalan siya ng gasolina at hindi nito kakayanin ang malalaking alon kung itutuloy ang nasabing plano.
“Sige, maghanap ka ng tao dito magpunta ng jet ski. Aabot pa ng ilang oras, I would conk out in the middle of the sea,” saad ng Pangulo.
Inamin din nito na natakot siyang mamatay dahil hindi siya marunong lumangoy sakaling lumubog ang jet ski bunsod ng malalaking alon.
“Sabi ko, mahirap ito. Sabihin ko na lang balang-araw na inabot ako ng takot. Wala akong magawa. Takot akong mamatay,” ani Duterte.
Dagdag pa nito, “Alam ba ninyo na hindi ako marunong maglangoy? Eh kung matumba yang yawa na ‘yan, magkakapa kapa na ako. By this time, I would’ve been the late Rodrigo Duterte.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.